Sa ginawang paglalatigo ni Jesus -- na sa tingin ng mga pinuno ng mga Judio ay maling-mali -- siya ay tinanong ng mga ito: Anong himala ang maaaari mong gawin upang patunayan na ikaw ay may karapatang gawin ang iyong ginawa? Sa taong na ito ng mga pinuno ay malinaw na nauulinigan ang ikalawang pagbasa: "Ang mga Judio ay nanghihingi ng mga tanda..."
Sa kabilang-dako, ang mga alagad na nakasaksi ng ginawa ni Jesus ay unti-unting nanampalataya sa mga salita ni Jesus. Una, ay naalala nila ang Awit 69:9 na sa Tagalog ay maaaring isalin ng: "Nag-init ang aking kalooban dahil sa pagmamalasakit para sa iyong Bahay". Ikalawa, nang maging saksi sila sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus at naalala nila ang tagpong ito, lalo silang naniwala sa mga salita ni Cristo.
Paniniwala/pagsampalataya sa mga salita ni Cristo... ang tugon sa salmo responsoryo ay: "Panginoon, nasa iyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan". Ito ay halaw sa Juan 6:68. Ang mga salitang ito ay binigkas ni Pedro nang siya ay tanungin ni Jesus kung siya at ang kanyang mga kasama ay aalis ding tulad niyong mga na-iskandalo sa kanyang mga sinabi tungkol sa pagkain sa kanyang laman. Sa konteksto ito, ang mga salita ay deklarasyon ng patuloy na pagsama kay Jesus, sa kabila ng pagtalikod ng iba. Hindi nga ba't sinabi na ni Jesus na hindi sapat ang nakikinig sa kanyang mga salita -- dapat din itong isinasabuhay at ginagawa?
Ang kahalagahan ng pagtanggap sa mga salita ni Jesus ang kaganapan ng salaysay tungkol sa mga Mandamyento ng Panginoon sa Eso. 20. Mapapansing ipinagdidiinan sa yugtong ito ang narinig ng mga Israelita at ang kanilang takot sa Panginoon. Bakit kailangang ang takot? Upang ang kanilang pakikinig ay maging pagtalima. At kung sila'y tatalima sa mga salita ng Panginoon, pinapatunayan lamang nila na sila nga ay sa Panginoon.