Notice of settlement-Pilipino

C1081_people


TALK BACK
your comments are welcome
 

View past comments

Email the webmaster


Best viewed at a resolution of 800x600

Graphics may not look right in a 256-color setting. Configure display to show 16-bit color

NOTICE OF PROPOSED SETTLEMENT OF CLASS ACTION

SA LAHAT NG MGA KASAPI NG "CLASS SUIT":

Ang paunawang ito as sang-ayon sa Order of the United States District Court for the District of Hawaii upang ipabatid sa inyong kaalaman ang  panukalang kasunduan sa pagitan natin at ng kinatawan ng Estado ni Ferdinand E. Marcos at ng kanyang mga tagapagmana.

Pagbabalik-tanaw sa kaso

Nagsimula ang paglilitis laban kay Ferdinand E. Marcos noong Abril 1986 na isinampa bilang isang class suit na binubuo ng 9,539 mamamayang Pilipino  (o dili kaya'y kinatawan) na naging biktima ng tortyur, pagpaslang o sapilitang pagdukot sa ilalim ng diktadura na pinamunuan ni Ferdinand E. Marcos mula noong Setyembre 1972 hanggang Pebrero 1986. Nang mamatay si  Marcos noong 1989, ipinalit bilang nasasakdal ang kanyang Estado. Matapos ang sunod-sunod na paglilitis noong mga taong 1992, 1994 at 1995, iginawad ang "Final Judgment" noong ika-3 ng Pebrero, 1995, kung  saan ang 9,539 na mga kasapi sa class suit ay pinaboran ng danyos na umaabot sa halagang US$1,964,000,000. Ang iyong claim ay isa sa 9,539. Ang hatol ng Hukuman ay sinang-ayunan ng US Appeals Court at ito  ngayon ay pang-wakas na o "final."

Panukalang kasunduan

Matapos ang ilang taon ng abot-kamay na pakikipag-ugnayan sa Estado ni Ferdinand E. Marcos, pamilya Marcos at ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas,  natamo ng Class Counsel ang isang kasunduan na babayaran ang mga kasapi ng class suit ng halagang US$150 million bilang katuparan sa hatol ng Hukuman at ayon sa alituntunin ng panukalang kasunduan na may petsang ika-19 ng Disyembre, 1998. Ang naturang halaga ay ililipat sa pangangalaga ng UnitedStates District Court in Hawaii habang hinihintay ang huling pagpapatibay ng Hukuman. Bilang kapalit sa kabayarang tatanggapin, ang mga kasapi ng class suit ay isinusuko na ang karapatang ipagpatuloy pa ang pagpapatupad sa kabuuang hatol, pagsasaisang-tabi ng injunction  and contempt citation at ng kaugnay na fines, pagpapawalang-bisa ng judicial assignment at pagpapaubaya ng paghahabol pa sa anumang obligasyong sibil kaugnay sa paglabag sa karapatang pangtao na naganap mula noong 1972 hanggang 1986. Kung sakaling hindi pagtibayin ng Hukuman ang kasunduang ito, ang nabanggit na halaga ay isasauli at ang hatol at iba pang iginawad na kaugnay ng hatol ay mananatili. Ang panukalang kasunduan ay nagsasanib na rin sa isang hiwalay na kaso na may pamagat na Trajano v. Imee Marcos Manotoc, No. 86-207, at may kaukulang bahagi sa naturang kasunduan.

Opinyon ng Class Counsel

Ayon sa Class Counsel, ang kasunduan ay patas, makatwiran at sapat. Mahigit na 13 taon nang walang patumanggang pagsisikap, kabilang na ang 4 na taong paghahabol sa kaukulang  kabayaran ang ginugol sa usaping ito. Ang kabuuang paniningil ayon sa hatol o makabuluhang halaga sa pamamagitan ng judicial execution ay mahirap na ngayong mangyari at mangangahulugan ng mahabang panahon ng  masalimuot at magastos na paglilitis sa iba't-ibang bansa. Naniniwala ang Class Counsel na inaasahan ng halos lahat ng mga kasapi na makatanggap sa lalong madaling panahon ng halagang magiging makabuluhan sa  kanilang pamumuhay.

Ang pakikipag-usap na humantong sa panukalang kasunduan ay umabot ng limang taon. Naging bahagi sa mga pakikipag-usap na ito ang Special Master na  itinalaga ng Hukuman, sa iba't-ibang yugto ng negosasyon.

Pamamahagi ng kabuuang halaga ng kasunduan

Sa ilalim ng panukalang kasunduan, ang halagang US$150 million ay ipamamahagi sa buong kasapian ng class suit, matapos bawasin ang nauukol na bahagi ng  kabayaran sa abogado at iba pang gastos kaugnay sa paglilitis ng kaso. Sa dahilang hindi pa nakapagpapasiya ang Hukuman sa mga usapin ng bahagian, at hindi pa rin natatapos na masusing pag-aralan o rebisahin ang  bawat claim, hindi dapat magpalagay o umasa ang sinuman sa mga kasapi na siya ay makatatanggap ng anumang tiyak na halaga. Kung sakaling magbigay ng pinal sa pagsang-ayon ang Hukuman sa kasunduan, ang  sinumang partido sa kasunduan ay maaaring maghain ng anumang pagtutol sa anumang specific claims at ito ay muling pag-aaralan ng Special Master. Maliban sa 135 claims na tapos nang rebisahin ng Federal Jury,  pag-aaralang muli ng Special Master ang lahat ng claims batay sa pamantayang itinakda ng Hukuman hinggil sa bayad-pinsala na nauukol sa paglabag sa karapatang pantao. Ang Special Master rin ang magre-rekomenda sa  Hukuman kung anong bahagi ng makukuha mula sa kasunduan ang matatanggap ng bawat kasapi, at ng paraan ng pag-apila para sa tinanggihang claims.

Sa pagdinig ng usapin hinggil sa pinal na pagsang-ayon sa kasunduan, pagtutuunan din ng pansin ng Hukuman kung dapat bang magkaroon ng paunang pamamahagi sa  bawat kasapi bago pa man sa rekomendasyon ng Special Master. Ang Hukuman ang tuwirang gagawa ng pamamahagi at hindi dadaan sa sinumang tagapamagitan. Alinsunod sa mga nauna nitong pagpapasiya, hindi kikilalanin ng  Hukuman ang anumang Special Power of Attorney na kinalap ng ilang mga tao at grupo.

Kahilingan sa bayad sa abogado at iba pang gastos

Kung sakaling pagtibayin ng Hukuman ang panukalang kasunduan, hihilingin ng Class Counsel mula sa Hukuman na sila ay mabayaran ng kaukulang kabayaran bilang  abogado at karampatang halaga para sa mga nagastos nila sa paglilitis. Ang hihilingin ng Class Counsel bilang attorney's fees ay ayon sa kalakaran ng mga bayad sa mga kahalintulad na kaso at alinsunod sa pamantayan ng mga ito sa Ninth Circuit Court of Appeals. Gayundin, hihilingin ng Class Counsel na magtabi ng kaugnay na halaga na ipaglalaan sa pangangasiwa at pamamahagi ng halagang makukuha mula sa kasunduan. Ang kahilingang ito ay idadaan sa Clerk of the Court, United States Courthouse, 300 Ala Moana Boulevard, Honolulu, Hawaii 96850 ng hindi lalagpas sa ika-17 ng Marso, 1999, at maaaring siyasatin sa mga tanggapan ng Class Counsel.

Pagdinig

Ang Hukuman ay magdaraos ng pagdinig sa ika-29 ng Abril, 1999, sa ganap na 10:00 ng umaga. Sa paglilitis na ito, pag-aaralan ng Hukuman ang pagiging makatwiran, pagiging patas at  nakasasapat ng panukalang kasunduan, ang pagbibigay-katuparan nito sa hatol, at gayundin kung dapat pagtibayin nito ang kahilingan ng Class Counsel para sa kabayaran nila bilang abogado at iba pang mga gastos. Ang  pagdinig ay gagawin sa sala ni Hon. Manuel L. Real ng United States Courthouse sa Honolulu, Hawaii.

HINDI NA KAYO KAILANGANG MAGPUNTA SA PAGDINIG O GUMAWA NG ANUPAMANG HAKBANGIN KUNG KAYO AY SUMASANG-AYON O WALANG PAGTUTOL SA PANUKALANG KASUNDUAN AT SA KAHILINGAN NG CLASS  COUNSEL PARA SA KAUKULANG BAYAD NILA BILANG ABOGADO AT PARA SA NAGASTOS SA PAGLILITIS.

Ang sinumang kasapi ng class suit ay maaaring dumalo at maglahad, kung may kadahilanan, na hindi dapat pagtibayin ang kasunduan bilang patas, makatwiran, at  nakasasapat; at kung bakit hindi dapat ituring na nabigyang-katuparan ang hatol; bakit hindi dapat ipawalang-bisa ang mga injunction, judicial assignment at contempt citation; at kung bakit di  nararapat gawaran ng Hukuman ng karampatang kabayaran ang abogado para sa kanyang mga serbisyo at ang kanyang mga nagastos sa paglilitis.

Walang sinuman ang diringgin sa pagdinig na hindi nagsumite ng sulat na nagpapahayag ng kaniyang intensiyong magpakita, na naglalahad ng lahat ng batayan para sa naturang pagtutol at  iba pang paglalahad ng pananaw o posisyon, kalakip ang lahat ng kaugnay na papeles na ipinadala sa Clerk of Court sa pamamagitan ng primera-klaseng koreo at dapat matanggap ng Hukuman nang hindi lalagpas sa ika-30  ng Marso, 1999, sa sumusunod na address:

Clerk of the Court
United States Courthouse
300 Ala Moana Boulevard
Honolulu, Hawaii 96850

Ang mga sobre at sulat sa pagtutol ay dapat na may pamagat na "Estate of Ferdinand E. Marcos Human Rights Litigation, MDL No. 841  (D.HI)." Isang sipi ng lahat ng mga naturang papeles ay dapat maipadala rin sa pamamagitan ng primera-klaseng koreo at makarating bago mag ika-6 ng Abril, 1999, sa Lead Counsel ng class suit na si:

Robert A. Swift, Esquire
Kohn, Swift & Graf, P.C.
1101 Market Street, Suite 2400
Philadelphia, PA 19107
Karagdagang impormasyon

Kung sakali mang lumipat na kayo ng tirahan, kung kayo ay magpapalit ng tirahan, o di kaya'y ang kasapi sa class suit na kung kanino nakapangalan ang liham na ito ay patay na o  lumipat na ng tirahan, mangyari lamang na makipag-ugnayan kay:

Rodrigo C. Domingo, Jr.
Filipino Co-counsel
LPL Center Unit 15-B
130 Alfaro Street, Salcedo Village
Makati City
Tel. Nos. 814-3497   813-3458
Fax No. 812-7997

HUWAG TUMAWAG O TUWIRANG MAKIPAG-UGNAYAN SA CLERK OF THE COURT O KAY JUDGE MANUEL L. REAL.

SA KAUTUSAN NG HUKUMAN:
(Sgd.) Walter A.Y.H. Chinn, Clerk
United States District Court
District of Hawaii

Petsa: Febrero 1999

Hosted by www.Geocities.ws

1